Saturday, August 25, 2007

passers by

sa kalye, madaming dumadaan, hindi ba? maraming nagmamadali, mayroong nagdadahan-dahan, mayroong nag-iingat. maraming kotseng humaharurot. maraming taong naglalakad. mayroong pagkakataong naaksidente. madami! pero halos lahat ay hindi napapansin ang kalyeng dinaraanan. pangalan lang ang tinatandaan. kawawa!

sa buhay, madaming dumadaan sa buhay natin. tulad sa kalye, nagmamadali. parang lahat may hinahabol - oras. walang panahong tumingin sa paligid. tumingin sa bagay na inihahain.


sa buhay ko, masasabi kong isa akong eskinita. oo, eskinita. masikip, makipot. minsan madilim. pero may liwanag din. may oras na ginagawa, madalas dinadaanan. dinadaanan ng mga pedikab, tricycle, kotse, truck, at iba pa. one-way. walang nakakapansin. dinadaan-daanan lang!


sa dami ng taong dumaan sa eskinita ko, walang nag-usisa kung sino ang gumawa sa eskinita, kelan nagawa, at kung anong tanong sa loob ng tinatawag na eskinita. wala. meron man, nagtanong lang pagkatapos magtanong, umalis at di pinakinggan ang sagot. meron mang nakarinig ng sagot, nagtanong sa kredibilidad ng sagot.


matagal ng dinadaanan ang eskinitang iyon. halos labinganim na rin. walang nakakaalam. walang nakikialam. sa taong iyon, dapat isa na itong pangunahing daan o kahit tulay man lang, ngunit walang nakikialam. walang may pakialam.


may mga ilaw man sa eskinitang iyon. makulay. kumukutikutitap. ngunit hindi maitatago ang lungkot. dilim. na pilit binubusalan ng liwanag. tawa. halakhak. hindi ko sinisisi ang mga dumaraan. hindi. marahil, isa lang maliit na eskinita ang kanyang dapat gampanan.


para sa lahat ng tumatawid, wag lang tumingin sa kanan at kaliwa, pati na rin sa itaas at iba, likod at harap. loob at labas.


para sa mga dinaraan daan lamang, darating din ang panahong na hindi ka na daraan daanan kundi isang atraksyon. hindi perya kundi trapik na.


walang halong biro, sa lahat ng dumaan sa buhay ko, salamat. naging parte kayo sa mga unti-unti kong binubuong parte ng pagkatao ko. marahil, huli na ang pagbuo ko sa aking sarili. ngunit binubuo ko ito para sa aking sarili at sa mga paninindigan ko sa buhay.


walang kwenta ang mga sinusulat ko sa ilan. wala akong kwenta sa karamihan. walang kwenta ang nasa aking isipan. pero, nagpapakatotoo lang ako. ito ang gusto kong maisiwalat. malaman.marinig. pero kung hindi ako marinig ngayon at sa nakakaraang pagtatangka, hindi ako mapapagod hanggat ginagawa ko ito sa tamang paraan.


walang kwenta. oo. wala. pero, tumingin. basahin. kilatisin. bago umalis.

No comments: